Maaga ako umalis ng bahay kanina. Pista kasi ng Quiapo ngayon. Pero pagsakay ko ng jeep, wala namang masyadong tao at hindi rin trapik. Siguro dahil nasa Grandstand na halos lahat.
Ang kaunti lang din ng tao sa office buong maghapon. Pero kung anong kaunti ng tao, iyon naman ang ikinadami ng mga dapat kong gawin ngayon. Pero okay lang dahil nag-eenjoy naman ako.
Kaninang tanghali, niyaya ako ng isang officemate na salubungin ang prusisyon. Apat na taon na akong nag-aaral sa isa sa unibersidad sa loob ng Walled City pero ito ang unang beses na nasaksihan ko ng personal ang tinatawag nilang "translacion".
Noong una, nagtataka ako kung bakit nagkakagulo ang mga tao para makahalik o mahawakan man lang ang Nazareno gayong maaari naman nila itong sadyain na lang sa simbahan sa Quiapo. Ngayon ko lang naintindihan kung bakit.
Habang papalapit kami sa kinaroroonan ng prusisyon, tanaw na tanaw ko ang lumpon ng mga tao. Hindi magkakakilala pero pinagbibigkis ng paniniwala at tradisyon. Unti-unti kong nararamdaman ang mga balahibo kong tumatayo. Kinikilabutan ako.
Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, may kakaiba akong naramdaman. Napansin ko na lang na nangingilid na ang mga luha ko sa mata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento