Nag-iisip ako kung anong magandang ibahagi ngayong araw na
ito. Sumagi sa isip ko ang isang quote na nabasa ko mula sa isang kaibigan
(hindi ko matandaan yung eksaktong salita, pero parang ganito) :
“Ang pagsusulat ay tila isang gamot na kayang hilumin ang sakit
na nararamdaman”
Totoo yung sinabi niya, kasi parang therapy yung pagsusulat.
Yung mga katagang hindi nakakarating sa bibig mo, naisusulat ng kamay mo at
puso ang nagdidikta. Naks naman! Ang lalim!
Sa kabilang banda, napakaproduktibo ng araw ko kanina. Yun
talaga ang goal ko ngayong 2014, ang maging produktibo hindi lamang sa trabaho
pero pati na rin sa bahay at para sa sarili ko.
Nakagawian ko na tuwing umaga na isulat iyong mga task na
dapat kong matapos para sa isang araw. Natutunan ko ito sa dati kong trabaho.
Sobrang helpful nito lalo na sa mga makakalimuting taong kagaya ko. Ang
problema nga lang, kapag nakalimutan mo ring isulat sa “daily things to do” mo
yung dapat gawin, patay na!
Nasorpresa ako dahil may mga task akong na-accomplish ngayon
na hindi naman nakasulat sa things to do. Naipasa ko na rin kanina yung tula na
isinulat ko para sa isang magazine sa opisina. Excited na akong makita yun na
mai-publish. Kaya tulungan niyo akong magdasal. Haha! Sana maawa yung Editor at
pagbigyan kahit isang pagkakataon lang ang isang frustrated writer na katulad
ko.
Hindi pa ako nakakauwi ng bahay nakatanggap na ako ng text
mula sa isang kaibigan. Tinatanong niya kung nasaan na raw ako. Bibihira lang
ang ganitong pagkakataon, pero alam ko na, na kapag tinanong ako ng ganito,
gusto niyang makipagkwentuhan o humingi ng payo. Hindi ako nagkamali, hayun,
pagkatapos kong magmerienda tambay kami sa may pintuan. Salampak sa sahig sabay
langhap sa samyo ng pinaghalong ihi ng daga at tae ng pusa sa eskinita.
Hindi naman talaga ang magaling magbigay ng payo, bagsak ako
dyan, pero minsan, ang kailangan lang naman kasi ng tao eh yung may handang makinig
sa kanya. Kaya hayun nakinig kaming dalawa ng malamig na sahig na inuupuan namin.
Umalis naman siyang medyo ok na. Inisip ko nga kung nakuntento na siya sa mga
sinabi ko o napilitan lang siyang umalis na dahil baka lalo lang siyang maiyak
sa nakakalasing na amoy.
Pagkatapos kumain, umakyat na ako ng kwarto at nag-ayos para
matulog. Naudlot ang paglalagay ko ng facial cream dahil sa isang text message.
Ayoko ng ikuwento. Nalulusaw na ang facial cream sa mukha ko, umaagos,
lumalabnaw. . .
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento