Huwebes, Enero 30, 2014

DAY 30

Yun oh! Salamat sa wi-fi, makakapagpost pa ako kahit nandito sa Pampanga.

Hibernate mode muna ako. Magpapalipas ng kalungkutan, sama ng loob at stress. Sana sa pagbalik ko sa Manila ay bumalik na ang dating sigla ko.

Natapos ko naman yung presentation report kanina. Kaya lang may pahabol pa na utos kaya medyo natagalan ako sa pag-uwi dito. Ang masaklap pa, ang haba ng pila sa terminal. Napilitan na lang akong sumakay don sa bus na papaalis na, kahit standing ovation na. Nakaya ko naman kasi yun dati. Hanggang San Fernando pa nga eh. Kaya lang kanina, Bulacan pa lang nahilo na ako. Bigla akong pinagpawisan ng malamig. Napilitan tuloy akong kausapin yung katapat ko para makiusap kung pwede umupo. Pumayag naman siya.

Medyo natakot tuloy akong magbyahe mag-isa dahil dito. Kung nagsuka ako nung mga oras na iyon, ano kaya gagawin ko? Eeeewwww.. Kadiri.

Natouch naman ako sa lola ko kanina. Pinaghanda ako ng pagkain pagdating. :)

Miyerkules, Enero 29, 2014

DAY 29

“Alam ko, kapag natapos na ang yugtong ito, magpapasalamat ako sa’yo. Magpapasalamat ako sa sakit na naidulot mo. Dahil sa tamang panahon, yayakapin kong muli ang pag-ibig at hahawakan ang langit. Muling maglalakabay ang puso ko sa kawalan tulad ng isang malayang ibon; minsang nabalian ng pakpak ngunit muling natutong lumipad.”

Status ko sana yan sa fb kaso baka madrama na masyado. Kaya ditto ko na lang isinulat. Bukod kasi sa mga kaibigan ko, ito lang naman ang isa sa platform kung saan malaya kong naipapahayag ang saloobin ko. Ang sarap talaga magsulat, para itong isang gamot na panandaliang nakakapaghilom ng sakit ng katawan. Parang sinisilipan mo ang sarili mong isipan.

Ayoko sanang pumasok kaninang umaga, ang kaso naalala ko yung mga tambak na papers sa lamesa ko. Ayokong gapangan ng ipis.

Kahit medyo wala ang utak ko sa ulo ko kanina, kahit papaano nakapagfocus pa rin naman ako sa trabaho.


Ui! May unexpected call ulit ako kanina:) Si Ella tumawag at nangungumusta. Nakakagaan ng pakiramdam kapag naaalala ka ng mga kaibigan mo. Kahit mugto ang mga mata ko, nakangiti pa rin kahit paano ang puso ko.

Martes, Enero 28, 2014

DAY 28


Nag-alarm ang cellphone ko ng 5:35 pero parang wala akong narinig. Naalimpungatan na lang ako ulit nang tawagin ako ni Nanay mag-aalas sais na raw. Whhhaaattt!! Malelate na ako. Gustong bilisan ng utak ko pero ang bagal ng katawan ko.

Mabuti na lang at may 15 minutes na allowance sa office. Yeys! 8:04 ako nakapag-in. Wala na yung Christmas décor sa office. Pero yung lamig ng panahon parang pasko pa rin. Medyo tambak pa rin ang gawain pero ayos lang. Mas gusto ko naman na ituon ang sarili ko sa paggawa ng maraming bagay kaysa gumawa ng wala. Naisip ko nga kanina, noong nag-aaral pa ako, kahit sang tambak ang school assignments, masipag ako gumawa. Pero bakit ngayon, ayaw ko na mag-uwi ng trabaho. Ibang- iba talaga ang school sa trabaho.

Hindi ako umuwi agad pagkatapos ng trabaho. Nagliwaliw muna ako sa isang mall sa Binondo kasama si Max. Nabasa ko kasi sa dyaryo kanina na may fortune tree na nakadisplay doon kaya naisipan kong puntahan. Nagwish kami ni Max. Pero secret na lang kung ano yung winish ko doon. :p


Medyo may kaunting gusot kanina. Pero sinisikap ko talaga isipin na ang bawat malungkot na pangyayari o problema na kinakaharap natin ay isang paraan ng buhay para turuan tayo. Kaya naman sa nangyari kanina, natutunan ko na masakit sa ulo ang malabong impormasyon. Kung malabong naipasa sa’yo, baka dilim na ang maipasa mo sa iba. Kaya sa simula pa lang dapat malinaw na, kung gusto natin magkaroon ng nagniningning sa gandang resulta. Bukod pa rito, kung gusto natin ma-achieve ang excellence, we must exert extra effort, or go the extra miles, sabi nga sa commercial. We should not be complacent but rather always be dynamic. Kung inilalagay natin ang ating puso sa bawat gawaing nakaatas sa atin, siguradong masasalamin dito ang pagmamahal na inilaan natin.

Lunes, Enero 27, 2014

DAY 27

There's something about the weather that makes it nostalgic.

Napakalamig kaninang umaga. Isang pagsubok ang pagligo. Pero lagi naman akong nag-iinit ng tubig pampaligo. Parang may kakaiba talaga ngayon. Habang naglalakad ako kaninang umaga papasok, ramdam na ramdam ko ang lamig. Ito yung mga panahon na ang gusto mo lang gawin ay humilata sa kama habang nagbabasa at nakikinig ng magandang music. Umpisa pa lang ng linggo pero gusto ko na agad magweekend :p

Halos buong araw ko kanina ay inukol ko sa meeting. Maraming mga napag-usapan na task para sa ikalalago ng kumpanya. Sa mga ganitong klase ng meeting, hindi maiiwasan na magkaroon ng diskusyunan dahil sa magkakaibang opinyon. At madalas, ang gusto natin ay ipilit na tayo ang tama at mali ang iba. Naisip ko lang, paano kaya kung baligtarin natin. Bakit hindi natin subukin na pakinggan naman ang iba at isipin na baka nga tama sila. Sa ganitong paraan, nakakatipid pa tayo ng enerhiya na posibleng ilabas natin sa pagdepensa ng ating panig. Baka pwedeng sa simpleng pagpapakumbaba, may mapasaya tayong ibang tao. 

Tulad ng pagpapasaya sa akin ng isang kaibigan kanina. Ang mga ordinaryong bagay tulad ng simpleng pag-alala ang siyang nakakapagbigay ng ekstraordinaryong pakiramdam na nakakapagpangiti ng puso. 

Habang pauwi kanina, bigla kong naisip na ibahin ang rutang dadaanan ko. Nakasanayan ko na, na sa LRT sumakay sa pag-uwi. Pero kanina sinubukan ko ulit magjeep papuntang Divisoria. Tulad ng inaasahan, traffic na naman. High School pa lang ako ganito na ang sitwasyon ng trapiko dito, hanggang ngayon na may trabaho na ako, ganito pa rin. Pero ayoko na magreklamo, sa halip, ginamit ko na lang oras ko para magsulat sa jeep. :)


DAY 26

It's a bed weather today. Well, almost everyday is a bed weather because of the cold weather. I woke up at around 9:00am to prepare for the Sunday service. If not with my date with God, I would probably still asleep.

I feel so blessed with the series today. It's about fight. It's about the on going spiritual battle. A battle to holiness. The Pastor discussed about the armor of God which we will be needing during the fight. This armor includes the belt of truth, breast plate of righteousness, shoes of readiness, helmet of salvation, shield of faith and the sword of the spirit. 

Sometimes, amidst our problems, we often forget that we have a loving and faithful God who is far bigger than all our problems.

After the Sunday service, we went to my Tita's new house. I mean, the new house that they are renting.

When we went home, we watched a movie entitled "About Time". It was a great movie that taught me to live and cherish the present moment. 

Linggo, Enero 26, 2014

DAY 25

11: 45 na ako nakauwi sa bahay. Nagkaroon kasi kami ng party sa bahay ng isa sa mga boss. Super post Christmas Party. Nakakaelibs yung bahay nila. Ang laki. Ang dami ring pagkain, pero ang bumida sa panlasa ko eh yung tuna pasta. Yummy!


Kaninang umaga, dumiretso ako ng National Library para magresearch. Naalala ko tuloy nung halos 2 years ago, medyo naging tambayan ko rin iyong lugar na iyon. Masarap magbasa. Sa pagbabasa nagkakaroon ako ng pagkakataon para maging isang “adventurer”. Nakakapaglakbay ako sa pamamagitan ng libro at nararanasan kong maging ibang tao.

Biyernes, Enero 24, 2014

DAY 24

10 rounds ako kanina sa pag-ikot sa court. Hindi na masama para sa baguhan tumakbo. :D Pero pagkatapos nung 10 ikot na takbo, lakad na lang ulit. Tapos takbo ulit. Halos 30 mins. na tagaktak ang pawis.


Wala akong gana magsulat. Bukas na lang. Pass muna

Huwebes, Enero 23, 2014

DAY 23

Ui..may something sa number 23.

Tambay ako ngayon dito sa dati kong pinagtatrabauhan. Naglalabas ng sama ng loob sa mga dating tengang nakikinig sa'kin. Gayundin ay pinapakinggan ko ang kani-kanilang kwento. 

Ang bilis talaga magbago ng panahon. parang kailan lang, nakaupo ako dito at nag-eenjoy sa trabaho ko. Oo, naenjoy ko naman talaga ang trabaho ko dito. Hindi lang naenjoy, minahal ko rin. Kaya lang, may ibang tawag lang kasi ang isip ko. Gusto ko lang kasi na pumunta talaga doon sa field kung saan ko magagamit ng husto ang kurso ko. Halos isang taon rin ako dito. May mga pagkakataon na pressured at stress sa trabaho pero magkagayunman, masasabi kong naging masaya ako dito. Marami akong natutunan na alam kong mababaon ko saan man ako pumunta.

Sa kabilang banda, hindi ko pa man nalilimot iyong nakakakilig na pangyayari kahapon, nasundan pa ng isa kanina. Kaunting biruan sa office kay "crush" tapos bigla na lang akong nailang kasi tinititigan niya ako. Bago pa man ako matunaw, idinaan ko na lang sa biro. Ito yung mga isa sa dahilan kung bakit ganado ako pumasok sa umaga. Haha! Biro lang.

Medyo gutom na ako, sana matapos na sila para makakain na kami.

Miyerkules, Enero 22, 2014

DAY 22

Depression attacks ulit kanina.

Ang hirap. Mukhang napapadalas na. Ayoko ng ganito. Nahihirapan kasi ako magdesisyon. Kanina dapat yung interview ko sa dream job ko. Pero hindi ko pinuntahan. Sa kadahilanang mayroon na akong trabaho ngayon. Naisip ko lang kasi, kung pupuntahan ko iyon at hindi ako pumasa sa interview, masasaktan lang ako. Kung pumasa naman ako,  problema rin kasi mamimili ako. Bago pa lang ako sa trabaho ko ngayon kaya nanghihinayang rin ako kung iiwanan ko. Mababait naman kasi ang mga katrabaho ko. Di tulad doon na kung sakali eh panibagong pakikisama na naman.

Sana lang tama ang desisyon ko. Pero hindi ko pa rin maiwasang hindi malungkot.

Mabuti na lang at nang sumapit ang hapon, medyo nagbago ang mood ko. Nagkabiruan kasi kami ni crush. Sino ba naman kasing hindi mahahawa sa ngiti niya.


Perstaym ko rin palang hindi mapagalitan nung isang boss sa ibang Department kanina. Tuwing lalapit kasi ako sa kanya at may ibibigay, lagi akong napapagalitan. Sana magkasundo na kami. 

Pootteeekkk! Sorry..palabas lang ng saloobin. Ipopost ko na sana ito, kaso may bigla akong nabasa sa isa sa mga nakaopen na tab. Nagkakachat pa rin sila ng ex niya. Tapos sisishin niya ang pamilya ko kung bakit daw hindi ko siya pinaglaban at iniwan ko agad, pero hindi niya nakikita ang pagkakamali niya! Walang ipinakitang masama ang pamilya ko sa kanya. Oo nga't hindi sila masyadong ok sa kanya, pero pilit siyang pinapakisamahan para sa akin. Napaka supportive pa nga nila eh. Kahit hindi siya masyadong aprub sa kanila, kahit kailan hindi ko narinig sa bibig ng magulang na kumbinsihin ako para hiwalayan siya. Kaya tayo naghiwalay dahil sa mga ginawa mo! Maaaring may bahagi na hindi tayo magkasundo dahil sa pagkakaiba natin, pero pinilit ko hanggang sa huli na maayos at ituloy iyong relationship natin. Wag kang mag-inarte na nasasaktan ka. Hindi na ako naniniwala sa'yo! 

Ilang heartache pa ba?!! Ang sakit na!

Martes, Enero 21, 2014

DAY 21

Depression attacks!!

Ito yung isa sa mga araw na may kudeta ng mga bubuyog sa ulo ko. Kung anu-anong malulungkot na bagay ang naiisip ko. 

Sana mawala ito.

Sa pagkakaalala ko, nagsimula ito nung nagtrabaho ako sa isa sa malaking network. Sa sobrang stressful ng trabaho, at malamang nanibago ako sa bagong environment, nag-iwan ito ng ganitong alaala sa akin.

Sa tingin ko nga kailangan ko ng kumunsulta sa doktor. Parang napapadalas na kasi ang pagkaramdam ko ng sobrang kalungkutan. Yung tipong kung anu-ano naiisip ko hanggang sa hindi ko namamalayan bigla na lang pala akong naiiyak. Madalas itong mangyari sa umaga paggising ko pati na rin habang pauwi sa trabaho.

Kaya naman ngayon, ang laman ng isang tab ko, ay tungkol sa mga tips para labanan ang depression. Sana isama mo ako sa prayers mo kaibigan.

DAY 20

"Forever means giving each other the unlimited opportunity to love each other right"-Bride for Rent

Ito yung mga katagang naiwan sa alaala ko sa panunuod ng Bride for Rent.

Minsan hindi naman kailangan na sobrang lalim ng pelikula para masabing maganda ito. Minsan sapat na yung nakakaaliw, nakakatawa at nakakatulong sa pansamantalang paghinga mula sa mapanikil na sitwasyon.

Ang laki ng ipinakitang kahusayan ni Kim Chui sa pelikulang ito. Patok na patok ang mga hirit niyang parang kinikiliti ka sa upuan mo. Idagdag mo pa ang mga hagikgik niyang nakakahawa. 

Biglaan lang ang panunuod namin ni Max kagabi. Pampawala ng stress at kalungkutan. Nakakatawa talaga itong si Max eh. Kahit saan ko yata yayain ito, sasama. Napakasupportib! Kung may award sa pagkakaibigan, siguro sa kanya na mapupunta ang "best foot forward friend", lels! haha!Kasi laging go sa lakaran! :D

Kanina, nagtext na naman si Elf(ex-boyfriend ko). Alam na raw niya dahilan kung bakit ako nakipagbreak. Eh alam naman talaga niya dahil inexplain ko, at maayos kaming naghiwalay. Hay! Ang sakit niya talaga sa bangs! Ayaw niyang patahimikin ang mga buhok ko sa ilong. Ipinaliwanag ko na ang dahilan, hindi niya lang siguro matanggap kaya pilit na naghahanap ng iba pang dahilan. Mabuti na lang at napigilan ko ang sarili ko na magreply, dahil malamang sa alamang hahaba lang lalo ang usapan namin.


DAY 19

Yey! Anniversary nila Nanay at Daddy. Kaya patuloy pa rin akong naniniwala sa true love, dahil nakita ng mga magulang ko ang isa’t isa. Sweet!


Nagluto siya ng all-time favorite naming stapeggi. The best talaga spaghetti ni Nanay, walang sinabi sa spaghetti ng ibang fast food chain. Medyo naparami kain ko.

Habang nagmemerienda, dumating Ms. B (hindi niya totoong pangalan). Ang laki ng pinayat ni Ms. B. Napansin ko rin agad ang malamlam niyang mga mata. Bakas sa mukha niya na may pinagdadaanan siya.

May sakit ang anak ni Ms. B. Kanser. Matagal nang magkaibigan si Nanay at si Ms. B. Mas marami akong naalala na naging palabiro siya kaysa sa ganito na halos hindi siya makangiti para batiin kami. 

Kung may magagawa lang sana ako para matulungan ko si Ms. B. Kaya lang, kaunti lang ang naiabot ko.

Sa mga ganitong pagkakataon, lalong lumalakas ang kagustuhan kong yumaman. Sa gayong paraan, mas malaki sana ang maibibigay ko kay Ms. B. 

DAY 18

"Paano ko paliliparin ang flyer sa Cebu agad-agad?"

Tanong ko yan kagabi. Di ako pinatulog. Mabuti na lang kahit papa'no naihabol pa.

Isa na namang "busy day" kanina.

Nag-undertime ako para pumunta sa dentist.

Pa-adjust ng bakal sa ngipin. Ang sakit. Diet mode na naman ito.


Biyernes, Enero 17, 2014

DAY 17

Sarap ng Nutella at chocolates na inabutan ko sa bahay. Nakakawala ng pagod.

Post ko kanina sa FB, “Paano kung dumating na ang matagal mo nang pinapangarap? Dumating ng may nagmamay-ari na sa’yo. Ano ang susundin mo, ang sinasabi ng puso mo, o ang idinidikta ng isip mo?”

Well, it’s not about love at all. It’s about my career.

Nagulat ako kanina nang makatanggap ako ng isang text message mula sa isang radio company na pinapangarap ko. Hindi ko inaasahan iyon. Ang masama lang, may maayos na akong trabaho ngayon.
College pa lang doon ko na talaga gustong magtrabaho. O  di kaya ay sa kahit anong radio station. 

Masasabi kong mapagbiro nga talaga ang tadhana. Malapit na nga akong mapikon. Pero wag naman sana.
Unang beses, am radio station vs. tv network. I chose the t.v network. Pero isang buwan pa lang nagresign na agad ako.

Pangalawang beses, government company vs. government-owned radio company. Sa pagkakataong ito, pinili ko na yung radio station. Tatlong screening, nalampasana ko. Tanggap. Tatlo kaming napili. Pero pagkatapos nung huling stage, sabi nila wala pa raw budget kaya hindi pa ako makakapagsimula. Maghintay na lang daw muna.

Naghintay ako. Hindi pa nga nagsisimula, natapos na agad.


At heto, pangatlong pagkakataon, print industry vs. radio company na pinangarap ko. Di ko alam kung anong pipiliin.

Huwebes, Enero 16, 2014

DAY 16


Dami ng work load kanina. Nakakapagod. Pero okay lang, ganito talaga pag nagtatrabaho. Hirap kumita ng pera.

Naalala ko tuloy dati noong nag-aaral pa ako, dahil hindi ko pera yung ginagastos ko, okay lang bumili. Pero ngayon na pinaghirapan ko ang pera ko, bawat sentimo, nakakapanghinayang gastusin. Kahit sa pagkain pa.
Dalawang araw ko na yatang nakikita yung ad ng isang sikat na broadcasting company dito sa bansa. 

Nangangailangan kasi sila ng Radio Announcer, Production Assistant at iba pang related course. Simula pa lang, radio dj na talaga ang gusto kong maging trabaho. Kaya lang hindi binibigay. Hindi yata will ni God. Pero syempre sa kabilang banda ng isip ko, sana matupad pa rin. Naeenjoy ko naman itong trabaho ko ngayon. Mababait ang mga tao at ayos naman trabaho, kahit paano eh related sa tinapos ko. Mas kailangan ko kasi ng pera ngayon. :D

Hindi maganda ang timpla ng mood ko kanina, ang daming conflict. Pero ayoko ng isa-isahin pa. Sana turuan ako ni God na wag masyadong mag-alala sa mga bagay-bagay at magtiwala lang sa Kanya.

Inaantok na ako. Good night kaibigan.

P.S Gusto ko pa lang magpasalamat sa mga taong tumulong sa akin kanina.

Miyerkules, Enero 15, 2014

DAY 15

Too much work is equal to too much eating.

Tatlong cup ng kanin sa isang restaurant na nag-ooffer ng unli rice, sabaw na pinigaan ng isang sako ng sampalok, mainit na kape at triple choco boom ulit, kumpleto na araw ko. Good night.

Minsan hindi ko rin maintindihan ang gusto ng dila ko, pagod na ang katawan ko, pero para siyang may sariling buhay. Habang napapagod ang katawan, lalo naman siyang lumalakas…..kumain.

Sahod kanina, ang kaso nakalimutan ko bisitahin yung bestfriend ko para magluwa ng pera. Mabuti na lang may naitabi pa ako sa bag para pambayad ng lahat ng kinain ko.

Alas-diyes na ako nakauwi ngayon ng bahay. Kasama ko Max(hindi rin niya tunay na pangalan), isa sa matalik kong kaibigan, na pumunta ng SM. Medyo napasarap ang kwentuhan kaya ginabi ng uwi. Nakakatuwa itong si Max, komportable kausap. Siguro dahil halos walo o siyam na taon na kaming magkakilala. Para ko siyang walking diary or walking blogspot account. Pag broken hearted ako alam niya, yun nga lang hindi siya masyadong nagcocomment, nakikinig lang. Pag in love ako, alam din niya. Ganoon din pag frustrated ako. Nasasabi ko sa kanya yung mga gusto ko at mga naiimagine ko. Ang ilan sa mga iyon nangyari na, ang iba hindi pa nangyari at ang ilan naman baka hindi na mangyari. Kaya siguro kami madalas tuksuhin kasi madalas rin kami magkasama. Pero hanggang magkaibigan lang talaga kami.

Hi Max! Kung nababasa mo ito, (siguro hindi kasi kawawa ka naman kaunti lang ang mga site na pwede mong bisitahin) salamat at naging kaibigan kita. Magthank you ka rin sa’kin dahil bida ka sa blog ko ngayon. Siguro cliché na ito na sinasabi sa magkaibigan, pero sasabihin ko pa rin, kasi mula sa puso naman. Salamat sa pakikinig. Salamat sa paghihintay sa’kin kung lagi akong nahuhuli sa usapan natin. Salamat sa pagsama, kahit biglaan minsan, go ka pa rin. Salamat sa mga words of wisdom (naks!) na ibinabahagi mo sa’kin, kahit minsan kaunti lang natututunan ko sa’yo, pwede na rin, kasi magaling ka naman makinig. Biro lang! :D Salamat rin sa mga pangit na komento mo, dito ko napapatunayang tunay kang kaibigan. At hanep dude, pa’no ko naman makakalimutan yung sense of fashion mo, ikaw na talaga! Salamat! Lagi ko sinasabi sa’yo ito, at sasabihin ko ulit, “My life becomes wonderful because of people like you.” Mahal kita kaibigang Max!

P.S, sige na, sisikapin ko nang hindi pumili ng bagong checkered or stripes na 3/4 blouse. :D


DAY 14

Laughtrip kanina pag-uwi. Nag-out ako ng 6pm, dahil medyo may karamihan ang dapat tapusin na trabaho. Sumabay ako sa ibang officemate. Dumaan muna kami sa SM para bumili sana ng lagayan ng I.D. Pero inuna muna namin ang pagbili ng donut. Triple Choco Boom, yes, pampawi ng pagod. Habang paakyat sa escalator, may nasipat ako na cute. Dali-dali ko naman itong ibinulong sa kasama ko.

“Ate, may cute sa likod”.

Sa kasamaang palad, narinig ni kuya Bogart(hindi niya totoong pangalan).

“Ano yun Pats? May cute sa likod namin?”, sabi niya.

Potek, sarap biglang mag-disappear! Dali-dali akong naglakad palayo, kunwari hindi ko sila kilala.
Nakakamiss rin palay yung mga production work namin nung college. Kanina, nagphoto shoot kami ng material para sa isang malaking project sa company. Hindi ko tuloy naiwasang bisitahin ang mga nakakulong na alaalang iyon sa aking gunita.

Napaka-productive ng araw na ito.

Naalala ko, gusto ko rin palang ikuwento na na-touch ako dun sa isa naming boss, si Sir Jack(hindi niya rin totoong pangalan). Noong bago pa ako, madalas niya akong kumustahin. Kanina medyo kakaiba sa pakiramdam yung pagtatanong niya kung kumusta ako. Nakakatuwa dahil medyo tambak yung trabaho ko kanina, hindi na nga ako halos umuupo sa area ko dahil sa dami ng tao na dapat kausapin. Pero naispatan ako ni Sir Jack saglit, kaya lumapit siya at nagtanong. The way he asked me is like a tap in my back saying, “Hey it’s okay to breathe for a while.” Amidst the busy day, when there are a lot of things going on in your mind, sometimes all you need is someone who will say, “Take it easy”.

Lunes, Enero 13, 2014

DAY 13

Mula sa LRT, tanaw na tanaw ko ang kagandahan ng papalubog na araw. Ang kulay nito ay parang isang kulay kahel na watercolor na isinaboy sa puting papel. Nakakawala ng pagod pagmasdan.

May bago akong nadiskubre kaninang umaga sa office. Kanina ko lang napuntahan yung court at gym. Dami talagang pasikot-sikot doon, gusto ko nga subuking maglibot minsan kaso baka iligaw ako ng mumu, hindi ko maibaligtad damit ko.

Pag-akyat ko sa may court, ang ganda ng view. Laglag panga ko, ang dami kasing cute na naglalaro ng basketball. Kahit medyo madilim sa court, nasisilaw ako sa kakyutan nila. Wala namang masama kung iappreciate yung mga gawa ni God di ba. :D

Napabigkas tuloy ako ng “Good morning” :D

Naglakad ako papalapit, lalo akong namangha. Ang laki kasi!..... Ang laki ng court, maluwag yung space. :D Minsan, isasama ko dito yung beki naming OJT, para makapagbird watching siya. :D Maganda kasi magbird watching kapag nasa mataas na lugar, mas tanaw mo. (Yung court namin nasa taas ng building)

Bakit nga ba ako nandun? Ah naalala ko, pinuntahan ko nga kasi yung nagpipiprint ng mga banner na kakailanganin namin sa mga event. Aga kong naexercise sa pag-akyat-baba.

Kaya lang isa pang balik ko, nakasalubong ko yung isang staff dun na kinakatakutan ko talaga. Di ko rin alam kung bakit, siguro kasi ang lakas ng personality niya kaya kahit hindi pa siya nagsasalita, nangangatog na tuhod ko at pinagpapawisan ng malamig.(Ayoko na ituloy kwento ko dito)


Anyway, di ako sanay na maagang umuwi. Kaya kanina, nag-isip ako ng mapupuntahan, pero dahil parang tinatamad rin ako gumala dahil Monday, at medyo pitaka de peligro na, umuwi na lang ako. Madalas kasi na may katagpo pa ako bago umuwi. Pero wala na ngayon eh. Mabuti na rin ito, para tipid kahit papa’no.  

Linggo, Enero 12, 2014

DAY 12

Naglalaro ng sugar crush habang nag-iisip ng maisusulat.

Paboritong araw ko talaga ang Linggo dahil ito lang ang rest day ko. Pero ayokong isipin na Lunes na bukas. :D

Maaga kong inalarm ang cellphone kanina para maagang makapaglinis ng bahay. Ito lang din kasi ang araw na nakakatulong ako dito. Paghuhugas lang ng pinggan ang ginagawa ko mula Lunes hanggang Sabado eh. Minsan hindi pa.

Pagkatapos maglinis ng bahay nag-ayos na ako para magsimba. Date with God. J

Maganda ang series ngayon sa Victory. It’s about Fight. According to the Pastor, there’s always a fight or battle in every aspect of our lives. We have to be vigilant who the real enemy is. Ang isa sa mga tumatak na salita niya sa akin kanina ay “We are fighting from victory, and not for victory”. Ibig sabihin, nanalo na tayo, sa pamamagitan ni Jesus. Kumbaga sa boxing, we are already the champion, and not the challenger. What we have to do is to defend our title. Panatilihin ang pagiging isang mabuting Christian at labanan ang pang-uuto ni Satan.

Pagkatapos ng service, kakain sana ako dun sa restaurant na may unli rice. Pero naisip ko, baka inuuto lang ako ni Satan, gluttony yun. Lels. Hindi pa kasi masyadong sanay ang tyan ko sa pagkain ng maraming kanin, matapos ang limang araw na fasting. Kaya ang bagsak ko, 4 na piraso ng siomai na may kaunting rice at juice. Hindi na rin yata ako sanay kumain mag-isa. Ang lungkot ng siomai at fried rice.


Pag-uwi ko, tirik na tirik ang araw sa kalsada. Ilang minute lang akong naglalakad pero pakiramdam ko natusta na ako. Buti na lang sa loob ng bahay medyo malamig. Enero na ngayon pero ang panahon, malamig pa rin. Dahil sa wala naman akong gagawin ngayon, natulog na lang ako. Sarap, tagal ko na ring hindi nagagawa matulog ng tanghali. Ito ang kagandahan pag walang lablayp, nadadagdagan ang oras mo para sa sarili. Mas may oras ka para magpahinga at magkaroon ng “me time”. :D

DAY 11

"I miss you like crazy" ang tumutugtog na background song sa laptop. Wala naman, bigla ko lang naalala. Hinahanap ko kasi yung sample picture ng buhok ni Bea, magpapagupit na ako bukas. 

Kaninang umaga, pinagmamasdan ko yung mga taong kasakay ko sa jeep. Kapag ganitong araw ng Sabado, walang masyadong commuters. Maluwag ang daloy ng trapiko, sing luwag ng daloy ng pag-iisip ko. :p

Sa totoo lang, hindi lang naman ako ngayon nagmasid sa mga kasakay ko, kundi halos araw-araw. Tulad ng sabi ko, konti lang kami sa jeep kanina. Nakakatawa yung mga ibang sumasakay, sa kadahilang maluwag nga yung jeep, walang may gustong umupo sa may gawi na malapit sa driver. Oo nga naman, mababala-ongga siya. Magiging assistant ni Manong. Kaya lahat, nagsisiksikan sa dulo. Ako na ang umusog sa may unahan, sige go, OJT na lang muna ako kay Manong.

Kapag araw-araw ka nang nagcocommute, isa lang ito sa maraming bagay na nakakatawa kung mapapansin, pero nakakainis kung iisipin na mga nakagawian ng ilang pasahero sa jeep. Heto ang ilan pang "Jeepney Characters" na napapansin ko:

1. MGA MASA- Sila yung mga taong masandal lang ng kaunti, nakakatulog na. Nagnanakaw ng tulog sa jeepney. Minsan binibigti ang sarili sa braso, minsan naman ginagawang instant unan ang balikat ng katabi. 

2. MGA WAPAKELS- Sila yung mga taong nagbibingi-bingihan kapag may nag-aabot ng bayad. Nagiging lastikman na ang kapwa pasahero sa pag-abot ng bayad, deadma pa rin.

Sila rin yung mga taong usog ng usog sa dulo kahit malayo pa ang babaan at kahit na ang sasakay ay ubod ng dami ang dala, sa may harapan pa rin nila papaupuin

3. MGA SENYORITO/ SENYORITA- Sila yung mga taong hindi marunong makisuyo sa pag-aabot ng bayad. Kahit na nakasakay tayo sa public vehicle, hindi pa rin obligasyon ng katabi natin na iabot ang bayad naton. Matuto tayong makisuyo at magpasalamat sa pag-abot niya.

4. MGA FEEL AT HOME- Mga taong wagas kung makaupo. Akala mo nakaupo sa sarili nilang sofa sa bahay at ganoon na lang kung makabuka. Karaniwan sa mga ito ay kalakihan na akala yata, ikinagwapo nila ang pag-upo nang nakabuka sa loob ng jeep.

Hindi naman siguro masama kung maging sensitibo rin tayo paminsa-minsan sa mga tao sa paligid natin. Tama ang kasabihan na hindi natin mapipilit ang lahat na gustuhin tayo, pero hindi ba't nararapat lamang na marunong tayong makisama o makibagay? Nang sa gayon ay magkaroon tayo ng maayos na paglalakbay, hindi lamang sa lansangan, kundi pati na rin sa buhay. 
Magandang gabi, kaibigan.


DAY 10

Last day of fasting! Yahhoooo!!

"You are the strength of my life Lord,
It doesn't matter what may come my way
You are the strength of my life Lord,
I'm holding on to you"

Kaunting oras na lang, pwede na ako kumain ulit ng ice cream, pasta, chocolates at syempre KANIN!

Noong una, akala ko hindi ko kakayanin ang ganito, isang meal lang ang kakainin sa buong maghapon tapos prutas at gulay na lang sa lunch, dinner at snacks. Nilunod ko rin sarili ko sa tubig. :p

Sale ulit Cafe France sa office. Kaya naman naisipan kong bumili na para bukas. Naexcite ako kumain ulit! Yays! Buy 1 Take 1! :D

Pero mas excited ako sa event mamaya sa church.

Sa totoo lang perstaym ko magfasting ng ganito kaseryoso, kakaiba pala yung feeling. Kasi kahit na hindi ako kumakain tulad ng dati, hindi ako masyadong nagugutom. May nararamdaman ako minsang pagkulo sa tyan ko, pero nararamdaman ko rin yung spirit na lumalaban sa kagutuman. Somehow, may mga pagkakataon na naging malnourished ako sa word of God this is why I believe that fasting is a way for me to draw near to Him. I'm maybe hungry physically but the Lord fills my cup with His overflowing love and served me abundant blessings.

Sabado, Enero 11, 2014

DAY 9

Maaga ako umalis ng bahay kanina. Pista kasi ng Quiapo ngayon. Pero pagsakay ko ng jeep, wala namang masyadong tao at hindi rin trapik. Siguro dahil nasa Grandstand na halos lahat.

Ang kaunti lang din ng tao sa office buong maghapon. Pero kung anong kaunti ng tao, iyon naman ang ikinadami ng mga dapat kong gawin ngayon. Pero okay lang dahil nag-eenjoy naman ako.

Kaninang tanghali, niyaya ako ng isang officemate na salubungin ang prusisyon. Apat na taon na akong nag-aaral sa isa sa unibersidad sa loob ng Walled City pero ito ang unang beses na nasaksihan ko ng personal ang tinatawag nilang "translacion".

Noong una, nagtataka ako kung bakit nagkakagulo ang mga tao para makahalik o mahawakan man lang ang Nazareno gayong maaari naman nila itong sadyain na lang sa simbahan sa Quiapo. Ngayon ko lang naintindihan kung bakit.

Habang papalapit kami sa kinaroroonan ng prusisyon, tanaw na tanaw ko ang lumpon ng mga tao. Hindi magkakakilala pero pinagbibigkis ng paniniwala at tradisyon. Unti-unti kong nararamdaman ang mga balahibo kong tumatayo. Kinikilabutan ako.

Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, may kakaiba akong naramdaman. Napansin ko na lang na nangingilid na ang mga luha ko sa mata.

Miyerkules, Enero 8, 2014

DAY 8

May inerekomendang video kanina yung kaibigan ko, “How to Move On” yung pamagat. Pootteeekk, parang gusto ko na lang bigla pumapak ng isang kilong ampalaya. Pero medyo nacurious ako kung anong sasabihin ng video. Napansin ko, medyo may karamihang mga artikulo ang madalas na tumalakay sa paksang iyan. Kung paano nga ba hilumin ang isang pusong sugatan. BOOM! Halos lahat yata kasi ng tao may problema sa pag-ibig. Kaya para maiba naman, magbibigay na lang ako ng iilang bagay na napapansin ko na madalas gawin pero hindi epektib way ng pagmomove-on, base on my own experience. Hindi ako love expert, pero kanya-kanyang trip yan. Lels.. :D

Una, wag kang magpagupit, hindi ka si Bea Alonzo sa pelikulang One More Chance. Nakasanayan na yata nating mga girls na ipagupit ang buhok natin pagkatapos ng isang matinding hiwalayan. Kawawa naman, wala naman siyang kinalaman sa pagsplit ninyo. Ginawa ko na rin ‘to dati, pero lalo lang akong nalungkot dahil hindi ko nagustuhan yung bagong style ng buhok ko.

Pangalawa, wag mag-over eating. Oo masarap ang chocolates at ice cream sa mga panahong wasak ka, pero huwag naman sobra. Yung tipong lahat ng paborito mong pagkain kakainin mo sa loob ng 5 minutes. Bukod sa ang bilis makalobo nito, madadagdagan pa ang problema mo dahil panigurado maya’t maya ka sa banyo. Paano ka naman makakahanap ng bagong pag-ibig niyan kung dahil sa’yo, ang jeep na siyaman naging pituhan na lang.

Pangatlo, wag rin naman magpalipas ng pagkain, baka magmukhang tuko. Yung mata na lang malaki sa’yo. Kumain ka sa tamang oras dahil kung walang sustansya ang katawan mo at ang isip mo, paano ka makakaisip ng paraan para sa “revenge”. Oooppppss.., biro lang masama gumanti sa kapwa.

Pang-apat, huwag makinig ng malulungkot na kanta. Malungkot ka na nga, makikinig ka pa ng malungkot o pang broken hearted na kanta, lalo ka lang maiiyak. Try mo kayang makinig ng mga masasayang kanta, rock and roll o kaya yung pang disco.

At huli, wag piliting maging busy para makalimot. Hindi mo naman na kailangang linisin pati yung kanal ng kapit-bahay ninyo o bilangin kung ilan ang butas ng skyflakes para mawala sa isip mo ang mga sweet pero corny moments niyo ng boyfriend mo.


Kaibigan, ang problema, hinaharap yan at hindi tinatakasan. Walang masama kung umiyak ka at hayaan mo ang sarili mo na maramdaman ang sakit. Sabi nga sa librong The Fault in Our Stars in John Green, “Without pain, we couldn’t know joy.” Pero pagkatapos noon, i-research natin ang kahulugan ng salitang “acceptance”.  Sa bawat natatapos na relasyon naman, sigurado ako na may natututunan tayo girlies. 

Ang taong tunay na masaya naman, hindi lang nakikita ang ngiti sa panahon na may magagandang pangyayari, kundi napapanatili ang ningning ng kalooban sa kabila ng madilim na pagkakataon.

Maraming bagay na dapat ipagpasalamat. 

Martes, Enero 7, 2014

DAY 7

Pangalawang araw nang fasting ngayon. Yey! Salamat sa grace ni God dahil nakakasurvive pa naman ako.
Pambihirang sipon ito, hindi maubos-ubos. Nakakaistorbo sa pagsusulat.

Kaninang umaga, nagcollapse ako ng slight, ayaw bumukas ng computer na ginagamit ko office. Pati siya bumitaw na rin. Mahigit isang oras rin yung pinalipas ko sa paghihintay na dumating na yung best friend ng computer ko. Mabuti na lang medyo lumuwag lang pala yung mga kordon sa likod ng sing-laking ref na cpu. Kung anong inilaki niya, iyon naman ang iniliit ng memory.

Kanina ang dami ring tukso sa pagkain. Nagdala yung isa naming boss ng pasta. Inisip ko na lang na maasim at hindi masarap yun para hindi ko matikman. Medyo nakakahiya rin kanina kay Nanay kasi gumising pa siya ng maaga para balutin yung siomai, pero hindi ko naman kinain. Pag-uwi ko ng bahay, dinatnan ko pa rin yung siomai. Hinintay ata ako, pero no way, inisip ko naman may langaw yun sa loob. :D


Wala naman masyadong ginawa kanina sa office. Gusto ko nga sana magkandaugaga sa mga gawain at maging busy. Nakakamiss rin pala yung ganung feeling. Yung tipong hindi mo alam kung ano uunahin mo. (Joke lang to, ang totoo niyan, kaya ko gustong maging busy ngayon para makalimot. Lols)

Pahabol: Naalala ko lang, sabi ng isang kaibigan kanina, "Ang love parang LRT lang yan, may nakalaang tren sa'yo. Dadating sa tamang panahon, hihinto at isasakay ka"

Good night mga kaibigan

Lunes, Enero 6, 2014

DAY 6

Unang araw ng pag-aayuno ngayon. Isang meal lang ang kinain ko kanina. Kanin at nilagang baka. :D

Pero pagdating nung tanghalian galit muna kami ng kanin, chopsuey ay isang saging lang ang kinain ko. Hindi na rin muna ako nagmerienda. Sa hapunan naman, isang pirasong peras ang tinira ko. Kahit papa’no mabigat naman sa tiyan. Pero parang mas mabigat itong mga liquid na namumuo sa mata ko. Kaya hindi mapigilan ang unti-unti nitong pagbagsak.

Nasaktan ko ang isang taong minahal ko at patuloy na nagmamahal sa akin. Pagdating talaga sa problema ng puso, bomalabs ako.

Maraming mga bagay na kasi ang hindi naming napagkakasunduan. Dumadalas ang mga pag-aaway at samaan ng loob. Ako na ang humiling na itigil na namin at baka lalo lang namin masaktan ang isa’t isa kapag itinuloy pa.

Walang madaling paraan para magpaalam. Pareho kaming nasaktan. Nakakapanghinayang lang yung mga magagandang bagay na napagsamahan namin. Pero umaasa ako na balang araw maging magkaibigan pa rin kami. At idinadalangin ko na makita niya yung tamang babae para sa kanya.

Ako, hindi na muna siguro papasok sa isang relasyon. May problema talaga ako sa commitment aminado naman ako dun.

Sa’yo na muling nagparamdam sa akin kung paano umibig at mabigo, maraming salamat. Maraming salamat sa mga napakagandang alaalang nagawa natin sa ilalim ng araw at sa liwanag ng buwan.

I would never regret the day that I met someone like you; a gentleman who loved me so dearly. It’s just so sad that it didn’t work for us. But I hope and pray that somewhere in the middle of the night, we will meet that star who will make our lives so bright.  


Hinding-hindi ko malilimutan iyong pitong buwan ng pagmamahal, galak, inis, at pamamaalam. Patuloy kitang mamahalin, hindi man bilang isang kasintahan, kundi bilang isang taong may espesyal na lugar sa puso ko.

Linggo, Enero 5, 2014

DAY 5

Hindi ako pinatulog ng sipon at ubo ko. Maya’t maya ang gising ko kaninang madaling araw. Ang sakit sa ulo. Maya- maya pa narinig ko si Daddy na binuksan yung ilaw at pumasok sa kwarto. Tiningnan niya kung may lagnat ako. Ang sweet ni Daddy, tumabi sa’ming magkapatid.

Pero paggising ko, nakaalis na siya para magtrabaho. Medyo late na rin ako gumising. Linggo lang ang pagkakataon para bumawi ng tulog. Sama pa rin ng pakiramdam ko.

Higop muna ng mainit na kape. Kahit papa’no nabawasan ang lamig na nararamdaman ko, pinagpawisan na. Nag-ayos na ako para makapagsimba.

Prayer and Fasting ang topic sa Victory kanina. Kinumbinsi ko ang sarili ko na makiisa sa fasting simula bukas. Isang meal lang ang kakainin ko sa buong maghapon. Breakfast na lang siguro. Tapos tanghalian at hapunan, gulay at prutas na lang muna. Wala na rin munang merienda. Tapos puro liquid either water, juice or milk siguro. Teka pwede rin kayang makalusot yung binlender na fried chicken? Or blender na pizza kaya? Lols…:D

Kakayanin ko kaya ‘to? Sana by the grace of God kayanin. Kaya ko ‘to! 5 days lang naman.


Pagkatapos sa church, kumain muna kami ni Apple sa KFC. Nag-imbak muna ako para maghanda 5 days na walang kainan.

Nanuod rin pala ako ng Frozen kanina. Astig yung movie. Sabi ng kapatid ko pambata, eh isip-bata pa rin naman ako kaya sakto lang. Naenjoy ko naman lalo na yung mga kanta at storyline. Nakakatuwa ang bidang si Anna dahil puno ng pagmamahal ang puso niya.

I pray that God will also give me a loving heart. A heart that will never get tired to love others even if they don't love me back.


DAY 4

“Hindi maitatago ng mata, ang nararamdaman ng puso”

Bumibili ako kanina ng waffle sa may LRT. Napansin yata nung nagtitinda ang panglaw sa mata ko. Sabi niya sa’kin, “Ate ngiti ka naman, masyado kang seryoso eh”. Aminado ako, may kalaliman nga ang iniisip ko kanina. Naninibago ako na wala ng nagtetext sa’kin ng “good morning Buds, breakfast ka na” o di kaya minsa’y “gising ka na Buds, baka mahuli ka sa trabaho.”

Mag-isa na lang din ako kaninang pumunta ng mall, naglakad-lakad, sumakay ng escalator, pumili ng damit. Wala akong matanungan kung okay ba yung pinili ko, kung sa tingin niya maganda ba?

Mag-isang bumaba ng LRT at sumakay ng tricycle. Mag-isang bumaba, tumawid at naglakad.

Wala rin akong ganang magtrabaho kanina. Inaantok ako at parang ayaw gumana ng utak ko. Alam mo yung feeling na parang malalim yung iniisip mo, pero ang totoo hindi mo alam kung may iniisip ka nga ba o napapatulala ka lang talaga. Naguluhan ka ba? Ako rin eh.

Sa sobrang antok, lumabas na lang muna ako ng office para maglakad-lakad. Hindi magandang magbabad pa ako sa pag-upo at pagdama sa lamig ng aircon, baka hindi ko mamalayan mkatulog pa ako. Inikot ko yung isang kanto sa Intramuros, mukhang tanga lang pero epektib. Kahit papa’no nawala anok ko.

Balik ng office, sabay upo… titig sa monitor…wala…wala talagang lumalabas. Konting pilit pa..hayun, kahit papa’no may lumabas nang ideya.

Sana bukas paggising ko, kasabay ng pagtanggal ng muta, maalis na rin itong di magandang nararamdaman ko. Sana kasabay ng pagmumog ko, maibuga ko na ang sakit na nararamdaman ng puso ko. Wasak dude!


(Pasensya na padrama muna, di na kaya eh. Salamat)

Biyernes, Enero 3, 2014

DAY 3

Natapos ko na yung binabasa kong book kanina na “Ang Pera na hindi Bitin. Isinulat ito ng isang marketing expert na si Sir Ardy Roberto. Nakakatuwa basahin yung libro, hindi naman para sa mga taong kuripot, pero para sa mga taong gustong madagdagan pa ang pera nila.

Para sa’kin wala naming masama kung maghangad tayo na dumami ang pera natin, sino ba naman ang may ayaw di ba. Pero dapat sinusuri nating mabuti kung  saan napupunta ang pera natin at kung ano ang nagiging epekto nito sa ating pagkatao.

Nagbahagi si Sir Ardy ng pitong paraan para hindi tayo magkaroon ng tinatawag kong “pitaka de peligro”. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Save
2. Give
3. Get out of debt and stop borrowing
4. Live simply
5. Magsipag, Magnegosyo
6. Mag-invest
7. Educate yourself

Pansin ko lang, tatlo ang nagregalo sa’kin ng libro noong Pasko. Opo, mahilig po akong magbasa, pero yung mga libro na binigay niyo parang kulang na lang sabihin niyo na ayus-ayusin ko sarili ko. :D

Yung isa sa sobrang kapal, title lang natandaan ko “ Don’t Sweat the Small Stuff” (bagay na bagay dahil aminado akong may pagkaparanoid talaga ako). Yung pangalawa naman, “Discovering God’s Will for Your Life”.


Bukas, itutuloy ko na ulit yung “Don’t Sweat the Small Stuff”, sana lang hindi ako antukin ulit sa pagbabasa.

Huwebes, Enero 2, 2014

DAY 2

Nag-iisip ako kung anong magandang ibahagi ngayong araw na ito. Sumagi sa isip ko ang isang quote na nabasa ko mula sa isang kaibigan (hindi ko matandaan yung eksaktong salita, pero parang ganito) :

“Ang pagsusulat ay tila isang gamot na kayang hilumin ang sakit na nararamdaman”

Totoo yung sinabi niya, kasi parang therapy yung pagsusulat. Yung mga katagang hindi nakakarating sa bibig mo, naisusulat ng kamay mo at puso ang nagdidikta. Naks naman! Ang lalim!

Sa kabilang banda, napakaproduktibo ng araw ko kanina. Yun talaga ang goal ko ngayong 2014, ang maging produktibo hindi lamang sa trabaho pero pati na rin sa bahay at para sa sarili ko.

Nakagawian ko na tuwing umaga na isulat iyong mga task na dapat kong matapos para sa isang araw. Natutunan ko ito sa dati kong trabaho. Sobrang helpful nito lalo na sa mga makakalimuting taong kagaya ko. Ang problema nga lang, kapag nakalimutan mo ring isulat sa “daily things to do” mo yung dapat gawin, patay na!

Nasorpresa ako dahil may mga task akong na-accomplish ngayon na hindi naman nakasulat sa things to do. Naipasa ko na rin kanina yung tula na isinulat ko para sa isang magazine sa opisina. Excited na akong makita yun na mai-publish. Kaya tulungan niyo akong magdasal. Haha! Sana maawa yung Editor at pagbigyan kahit isang pagkakataon lang ang isang frustrated writer na katulad ko.

Hindi pa ako nakakauwi ng bahay nakatanggap na ako ng text mula sa isang kaibigan. Tinatanong niya kung nasaan na raw ako. Bibihira lang ang ganitong pagkakataon, pero alam ko na, na kapag tinanong ako ng ganito, gusto niyang makipagkwentuhan o humingi ng payo. Hindi ako nagkamali, hayun, pagkatapos kong magmerienda tambay kami sa may pintuan. Salampak sa sahig sabay langhap sa samyo ng pinaghalong ihi ng daga at tae ng pusa sa eskinita.

Hindi naman talaga ang magaling magbigay ng payo, bagsak ako dyan, pero minsan, ang kailangan lang naman kasi ng tao eh yung may handang makinig sa kanya. Kaya hayun nakinig kaming dalawa ng malamig na sahig na inuupuan namin. Umalis naman siyang medyo ok na. Inisip ko nga kung nakuntento na siya sa mga sinabi ko o napilitan lang siyang umalis na dahil baka lalo lang siyang maiyak sa nakakalasing na amoy.

Pagkatapos kumain, umakyat na ako ng kwarto at nag-ayos para matulog. Naudlot ang paglalagay ko ng facial cream dahil sa isang text message. Ayoko ng ikuwento. Nalulusaw na ang facial cream sa mukha ko, umaagos, lumalabnaw. . .

Miyerkules, Enero 1, 2014

DAY 1

Yahhooo!! Happy New Year!

Ang bigat ng tiyan ko sa dami ng nakain kanina. Kaya naman naisipan ko nang simulan magsulat habang nagpapatunaw ng bodega ng pagkain sa tyan ko. Medyo exciting para sa'kin itong challenge na ito. Sa kadahilanang para ng baga ng apoy na binuhusan ng tubig ang kagustuhan kong magsulat. Yung tipong wala na yung apoy, usok na lang ang natira. May mga pagkakataon kasi na hindi sapat ang salita para ipahayag ang nararamdaman.

Sa kabilang banda, isantabi na lang muna natin ang kalungkutan noong nagdaang taon, bagkus salubungin natin ang bagong taon na may malaking ngiti! Wooot…wooottt!!

Wala ng mas gaganda pa na simulan ang bagong taon sa pamamagitan ng pagbisita sa ating Dakilang Lumikha. Kasama si Daddy, Nanay at Apple, nagsimba kami para magpasalamat sa nagdaang taon, sa panibagong pagkakataon at para humingi na rin ng gabay.

Pagkatapos, dumiretso na kami sa bahay para magtanghalian. Tinikman ko ang bago kong specialty na macaroni. Naks! Nakakaproud, hindi lang pancake at grahams ang kaya kong gawin ngayon! Yahhooo! Aprub naman daw sabi nila, sabi naman ng ibang nakatikim kulang daw sa mayonnaise, basta kahit anupaman lasa, para sa’kin, the best pa rin ang macaroni ko :)

Lumabas muna kami ng bahay ni Apple para magliwaliw. Medyo nakakainip rin palang tumambay sa loob ng bahay ng ilang araw. Nakakasawa makipaglaro at makipag-usap sa gadget. 

Matapos ang ngawit -panga na kwentuhan, umuwi muna kami ulit. Darating kasi si jowadik. Nadala ata noong pasko kaya bumawi ngayon. Ito yung unang pasko at new year na may matatawag akong partner, pero sa kasamaang palad, habang nagtatagal kami, doon namin nakikita yung mga pagkakaiba namin. Pero magkagayunman, pinili ko pa rin na maging masaya kanina. “Life is a matter of choice”, ika nga nila.

Cliché na siguro itong description ko, pero salamat sa roller coaster ride na 2013. Salamat sa mga masakit sa tyan na tawanan, di malilimutang iyakan at super intense na mga challenge na sinakyan ko noong nagdaang taon.

Excited na ako sa surprises ng 2014. At dahil year of the wooden horse ngayon, sana tadyakan ako ng swerte at sipain kami ng mas marami pang blessings!