Nagising ako sa huni ng mga ibon at tilaok ng manok.
Kakaibang-kakaiba sa nakagawian kong paggising tuwing Linggo ng umaga. Sa
Maynila kasi, bunganga ng kapit-bahay ang alarm clock ko. Music to my ears na
ang mga palitan nila ng di magagandang salita. Mabuti na lamang at kahit na sa
Maynila ako lumaki, hindi ako nahawa sa kanila. Kunsabagay, kahit na hindi
maganda minsan ang paligid ko, pinalibutan naman ako ng magandang ugali ng
aking pamilya.
Last day ko na sa Pampanga ngayon kaya nilubos ko na.
Pagkatapos magkape, naglinis muna ako ng bakuran at pagkatapos ay naghanda na
para sana magjogging. Kaya lang hindi natuloy, kasi nakasalubong namin yung isa
kong tita. Magpapagamot sa faith healer dahil masakit ang balakang at ulo niya.
Kaya sa halip na magjogging, nanuod na lang muna kami.
Medyo kontrobersyal ang healer na ito. Bagong salta sa
baryo, pero marami nang napabilib. Bukod kasi sa nakakapagpagaling siya ng
sakit (kahit anong sakit ng katawan pati yung mga pinaglaruan dawn g engkanto)
nakakapanghula rin daw siya. Napaisip nga ako, kaya niya rin kayang pagalingin
ang sakit ko sa bulsa?
Kakaiba ang paraan niya ng paggagamot. Nagpakuha ng itlog
saka ipinukpok at inilagay sa baso. Wala naman raw sakit ang tita ko. Lamig
lang daw sa katawan. Nagpakuha siya ng baso, papel at kandila pagkatapos.
Sinilaban ang papel, ipinasok sa loob ng baso saka ipinatong ang baso sa likod
ng tita ko. Ouch! Ventosa. Pagkalipas ng ilang minuto, iniangat iyong baso.
Magic, namula likod ng tita ko at umuusok. Sunod naman, nagpakuha siya ng
puting pinggan. Idinikit sa pinggan ang apoy mula sa kandila. Dinasalan, saka
pinunasan ng puting papel. Magik ulit. Nagkaroon ng charcoal painting ang
papel. Itinapat sa liwanag saka inaninag ang mensahe ng tawas. May babae raw na
nakabantay sa bahay ng tita ko. Mahaba ang buhok ang nakaekis ang paa.
Nakakatakot! Bago pa lalong lumikot ang imahinasyon ko, umalis na kami para
ituloy na ang sana ay jogging pero nauwi na lang sa paglalakad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento