Miyerkules, Pebrero 26, 2014

DAY 57 ( February 26, 2014)

CMC groovy night ngayon. Pupunta sana kami ni Diamond kaso mukhang wala namang balak yung ibang kaklase namin nung college. Kaya hindi na lang kami tumuloy.

So Many Questions ang background music ko habang sinusulat ko ang blog na ito. Wala lang nag-eemote nang kaunti.

Pero thankful ako ngayong araw na ito. May magandang balita kanina sa akin boss ko. Pero secret muna. Ipinagdarasal ko talaga na sana matuloy nga iyon. In Jesus name...

Laughtrip sa office kanina. Mayroon kasi akong inaasikaso na e-mail. Kailangan kong sagutin yung tanong ng isang client. Pero para masagot ko iyon, kailangan ko ng tulong ng ICT dept. Yung isang staff doon, kahapon ko pa tinatawagan. Kaya kanina, naghanap ako ng ibang paraan para makakuha ng sagot dahil baka nakukulitan na siya sa akin. Tumawag ako sa Sales. Napunta ako sa C dept. Sabi ni C dept. wala daw sa kanila yung data na hinahanap ko. May ibinigay siyang number para tawagan ko, saka kumpletong pangalan nung contact person. Yes may hint na. Natuwa ako. Pagdial ko ng numero, medyo pamilyar yung boses, dinedma ko. 

"Hello"

"Hello, pwede po ba kay ______(buong pangalan)"

"Ito na nga siya"

Tuloy ako sa pagtatanong. Explain ako ng pagkahaba-haba. 

Sabi niya bukas pa raw niya maibibigay yung kailangan ko. Kinuha ko e-mail address niya para makapag-follow up. Laughtrip, dahil siya rin pala yung sa ICT dept.

Hindi ko naman kasi alam na iyon pala yung totoong pangalan niya. Kilala ko lang siya sa bansag ng mga tao sa kanya. Iniwasan ko pang tawagan, doon din pala ako babagsak.

Laughtrip! Epic fail!

DAY 56 (FEBRUARY 25, 2014)

Nakakapagod magjogging. Whew!

Tumakbo kami ni Max kanina sa Luneta para maging healthy. Kahit masakit ulo ko sa simula, nawala naman agad.

Medyo nasasanay na ako tumakbo at tumatagal na ang endurance ko. 

Pagkatapos magjogging, kumain muna kami bago umuwi. Pagdating naman ng bahay, may naghihintay pala na chocolate. Laway na laway ako, pero dahil sayang naman ang mga pawis na nawala sa'kin, hindi na lang ako kumain. Ang lungkot. :(

DAY 55 (FEBRUARY 24, 2014)

Bigat ng pakiramdam ko pagkagising. Siguro dahil nga sa nangyari kagabi. There are a lot of unspoken words but it is better to box it in our mind because sometimes words are like sword that can hurt someone.


Pumunta ako ng GMA kanina, wala namang pagbabago makinis pa rin ang sahig at kumikintab ang elevator. Pero wala na ang mga pamilyar na mukhang nakikita ko dati. Pero naaalala ko ang mga panahong naglalakad ako sa hallway noon at para bang nakikita kong muli ang dating Pats na akyat baba ng elevator. Hay, araw ban g mga ex ngayon?

DAY 54 (FEBRUARY 23, 2014)

Nakita ko siya kanina. Ganito pala yung pakiramdam kapag nagkita kayo ulit ng taong minsan mong minahal at ngayon ay kakilala na lang.

Ganito naman talaga, walang permanente sa mundo. Ang pag-ibig, tulad ng bulaklak, ubod ng ganda sa simula ngunit daglian din namang nalalanta.

Sinabi ko noon sa sarili ko kapag nagkita kami, okay na ako. Masaya. Pero hindi iyon ang nangyari kanina dahil nagtatago sa sulok ng utak ko ang katotohanang nasasaktan pa rin ako sa paghihiwalay namin. Sinasabi ko ito hindi dahil gusto kong magkabalikan kami. Siguro dahil kahit papaano may pinagsamahan din naman kami. Gusto ko nga sana siyang kumustahin. Kumusta kaya ang trabaho niya. Gusto niya pa rin kayang mag-aral? Maaga pa rin kaya siyang nagigising dahil kailangan niyang magbukas ng gate sa mga driver? Pero siyempre hindi ko naman pwedeng gawin iyon dahil wala ng dahilan.


10:30 na nang makauwi ako ng bahay galing sa exhibit. Bukas maaga pa akong papasok ulit sa trabaho.

DAY 53

Busy as a bee....zzzzz

Biyernes, Pebrero 21, 2014

DAY 52

Stress o stretch?

Kung mayroon man akong gustong mapabuti sa pag-uugali ko, ito ay yung pagiging mahinahon. Kadalasan kasi, sa dami ng ginagawa, hindi ko maiwasang hindi mag-alala. Aminado naman ako na minsan ay sumusobra. Kaya’t nais kong matutunan kung paano ikokontrol ang ganitong uri ng pagkilos. Sana ay turuan ako ni God na pahabain pa ang pasensya ko at sana rin ay turuan Niya ako kung paano ihandle ng maayos ang stress.

Lahat na lang kasi yata ng task ko kanina, urgent.

Pero kanina, habang nakasakay ako ng LRT, nakapagsave ako sa cellphone ko ng isang parang verse for the day:


“Focus on your dream and not on Goliath. Problems may sometimes look bigger, but don’t focus on the flaws of life. Take a deep breath and remember the reason why you are fighting in the first place. Just how a photograph shows a good angle, learn to see the positive side of life. It’s a matter of perspective, my friend”  

DAY 51



Morning Rush. Nagmamadali ako sa pagtapos ng mga task ko ngayong umaga dahil kailangan kong lumabas ng office para mag-observe ng FGD. First time ko kanina na mag-observe ng ganito. Nakakatuwa pala panuorin kumilos ang isang tao. Hindi alam ng mga respondent na nasa kabilang kwarto lang kami na nakikinig at pinapanuod ang bawat kilos nila. Ang galing. Parang big brother house.

Huwebes, Pebrero 20, 2014

DAY 50

"Focus on your dream and not on Goliath"

A very inspiring book to read for the day. Pagdating ko sa bahay, kumain agad ako dahil hindi ko na nagawang magmerienda sa sobrang dami ng ginawa ko sa office kanina. Medyo wala ako sa mood at emosyonal kanina. Nakagalitan na naman ako ng isang tao. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit palaging mainit ang ulo niya. Nakakasira lang ng araw. Kaya naman pagkatapos ko kumain kanina, nakatulog ako sa sobrang pagod. 10:30pm na ako nagising para kumain ng hapunan.

Martes, Pebrero 18, 2014

DAY 49

Naranasan mo na ba yung minsan gigising ka sa umaga na para bang wala ka sa mood at ang gusto mo lang ay matulog o di kaya’y humilata maghapon? Ganito ako kanina. Halos mag-aalas sais na ng umaga nang bumangon ako para maghanda sa pagpasok.

Ayoko ng ganitong pakiramdam. Para bang wala akong motibasyon para pumasok sa trabaho. Minsan parang pakiramdam ko, walang kahulugan yung mga ginagawa ko. Pero hindi ko lang naman ngayon ito naramdaman. Naranasan ko na rin itong ganitong pakiramdam sa dati kong trabaho. Siguro normal na minsan maramdaman ng isang tao na para bang nakakasawa na ang mga ginagawa niya. Nagkaroon tuloy ako ng ideya na bakit hindi ko subukang baguhin naman ang routine ko para hindi ko maramdaman ang pagsasawa. Inaalala ko nga kung pati noong kolehiyo naramdaman koi to, pero parang hindi naman.

Sa kabilang banda, kapag naiisip ko naman ang pangangailangan ng pamilya ko, kahit papaano’y lumalakas ang loob ko’t nagkakaroon ako ng dahilan para pumasok.


“Mabuti ang isang taong nag-iisip ng paraan kung paano niya mapapaunlad ang kanyang sarili sa bawat araw. Tulad niya ay isang halaman na nakatanim sa matabang lupa, mainam na nadidiligan ng tubig ng karunungan at nasisinagan ng liwanag ng karanasan”

Lunes, Pebrero 17, 2014

DAY 48

Haixt! Ayaw akong tigilan ng mga officemate ko sa pang-aasar dahil dun sa nangyari nung Sabado. Lahat sila ay tinutukso ako kay Hamm. Pumunta pa siya sa area naming kanina para magpacute lang. Kulit much!

Dinalaw ko ulit yung tita ko na may sakit kanina. Lalong namaga ang mga paa niya at lumaki yung mga pantal sa katawan. Masakit para sa akin na makita siyang may sakit. Para ko na rin siyang Nanay. Napapaisip tuliy ako. Kaya ko gustong yumaman eh. Para sa mga pagkakataong tulad nito, madali ko silang matutulungan at maipapagamot.


Sana pagalingin na siya ni God.

DAY 47

Isa na siguro sa mga natatanging tradisyon sa Pilipinas ay ang Fiesta.

Noong una, sa probinsya namin, kahit hindi gaanong kakilala basta mapadaan lang sa bahay, yayayain na kumain ng lola ko. Lahat ng tao masaya kasi busog. :p

Hindi naman kami masyadong naghanda ng marami ngayon. Kasi umaabot naman ng ilang araw ang fiesta dito sa'min dahil sa mga officemate ng Daddy ko. Siguro kahit 3 araw may kainan. Kaya hindi niluluto ni Nanay lahat para umabot pa sa mga mahuhuling bisita.

Kanina, mga lola, tita at pinsan lang ang mga bisita namin. Nagpunta rin pala yung Area Leader namin sa dating organization na sinalihan ko. Isa itong organisasyon na tumutulong sa mga taong kapos sa pinansyal na bagay. Member ako dati dito noong bata pa ako. Siguro hanggang 1st year high school iyon. Naaalala ko pa nga, tuwing Christmas or pasukan binibigyan kami ng pera para pambili ng gamit. 

Ito yung konting kanta saka pabibo pagkatapos makinig ng bible stories, may libreng merienda. Nakakatuwa sumali. Pero hindi naman yung merienda lang ang habol ko. Dami ko rin natutunan dito. Magkabisado ng memory verse, Christian songs at marami pang iba.

Nakakatuwa lang at naalala pa ako nung area leader kahit na halos mag-iisang dekada na ang lumipas simula noong huli kaming magkita.


Sabado, Pebrero 15, 2014

DAY 46

" Hello.."

"Hello.. Hamm(codename)"

"Ui.."

"Ahm, thank you sa chocolate"

"Hehe...Wala yun"

Pagkababa ng phone, ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Ang lakas maka high school. 

Bumaba si Hamm kanina para ibigay yung pinaprint ko sa kanyang art work. Nagulat ako dahil pagkabigay niya nung flower design, may kasamang chocolate. Kinilig mga officemates ko. Tinutukso kasi nila sa'kin si Hamm kahit na wala naman talaga akong gusto sa kanya.

Sabi ni Hamm, kapalit daw yun sa bigay ko ring chocolate sa kanya kahapon. Pero hindi lang naman siya yung binigyan ko, kundi pati lahat ng kasama niya. Pero napangiti ako kanina. Siguro nadadala rin sa asaran nila. Pero ayokong mahulog ang loob ko kay Hamm. O sa kahit sino sa ngayon. Pagkatapos ng mga nangyari sa past relationship ko, ayoko na muna ulit magkaroon ng espesyal na pagtingin sa iba. Dahil baka sa huli, ako na naman ang masaktan.

Mag-isa na lang akong naiwan dito sa office. Gusto ko na nga rin sanang umuwi kaya lang 5pm pa ang out ko.

DAY 45

Love is in the air.


Kakaiba yung atmosphere ngayon. Parang ang sarap biglang makipagdate. Lahat ng tao nakangiti. Puno ng flowers sa paligid. Akala ko Undas, Valentine’s day pala.

Pagpasok ko sa office, nagulat ako may box of chocolates na nakapatong sa lamesa ko. Ayyiiee... Kahit papa'no, may nakaalala sa akin. Galing sa boss ko yung chocolates. Sweet. :)

Maya-maya pa dumating yung isa ko pang officemate at stem of rose naman ang ibinigay. Nakakatuwa. Sinong magsasabing pang magkasintahan lang ang Valentine's day. 

Para makisali sa espesyal na araw na ito, namigay rin ako ng chocolates sa officemates ko, pati na rin sa graphics dept. na lagi kong kinukulit. 

Hindi ako nagpapakaplastic, pero masaya talaga ako ngayon. Oo nga't wala akong boyfriend, pero marami namang nagmamahal sa akin. :)

Kaya sa lahat ng single dyan na katulad ko, wag malungkot. Sabi nga ni Ramon Bautista, "There's more to life than love".



Biyernes, Pebrero 14, 2014

DAY 44

Ito na yata yung araw na mixed emotions ako. Halos buong araw ko kasi sa office hindi masyadong okay. Pero pagdating ng hapon, pinasaya naman ako ni Max. Ang loko-loko, binigyan ba naman ako ng flower na may red na t-back panty sa loob ng petal. Kulit! Laughtrip!


Valentine’s day na bukas, karamihan sa mga friends ko inaasar ako kung hindi ko raw ba namimiss ang may boy friend. Sabi ko hindi naman. Aanhin ko naman ang boy friend na manloloko. Isa pa, ang valentine’s day naman, hindi lang para sa magkasintahan, kundi para sa lahat ng taong marunong magmahal. 

Miyerkules, Pebrero 12, 2014

DAY 43

Wala na naman ako sa mood. :(

Sarap humiga sa kwarto, manuod ng movie o di kaya'y magbasa ng magandang libro habang umiinom ng chocolate drink.

Uwi na ako. Marami pa dapat tapusin sa office kaya lang wala talaga ako sa mood.

Martes, Pebrero 11, 2014

DAY 42

"Dapat smile lang, kahit seryoso"

Parang ang hirap gawin noon ah. Pero may kakilala ako na kayang gumawa noon. Kakaiba talaga.

May mga pagkakataon naman talaga na minsan parang wala ako sa mood. Pero etong tao to, parang hindi ko pa nakitang nawala sa mood. Paano ba naman, sa tuwing nakikita ko siyang dumadaaan, laging nakangiti. Nahahawa tuloy ako. Good vibes lang!


DAY 41

“The mind may forget but the heart will always remember.”

Ito ang mga salitang laging sumasagi sa isip ko sa tuwing may magpapaalam o matagal kong maaaring hindi pwedeng makita. Bago ako gumraduate, nagpahayag ng maikling pananalita ang aming Dean at ito ang isa sa mga hindi ko makakalimutang sinabi niya.

Halos kakauwi ko lang ng bahay mula sa despedida party ng dati kong manager sa dati kong pinapasukan. Kaya naman gusto kong ilaan itong blog ko ngayong araw na ito sa kanya.

Isa si Chinita sa mga taong hinahangaan ko. Naalala ko pa nung ininterview niya ako sa cake decorating company na pinasukan ko. Sa unang pagkikita pa lang, bakas na sa kanya ang pagiging mabuti at masayahing tao. Magaan siya kausap kaya naman medyo marami yata akong naikwento sa kanya sa interview. Mukha ring matalino, hindi lang dahil sa eye glasses niya, kundi pati na rin sa paraan ng pagtatanong niya. Ubod ng hinhin sa simula pero noong mas tumagal pa kaming nagkakilala, may pagkakwela pala. Gustong-gusto kong nakikinig sa mga kwento niya kasi with action at facial expression pa. Nakakatuwa rin siyang kasabay kumain kasi ang bilis, parang laging nagmamadali. Kaya kapag sabay kaming maglunch dati, tuwang-tuwa ako kasi halos parang hindi ako natunawan dahil napipilitan din akong magmadali. Naawa ako bigla sa mga alaga ko sa tyan dahil baka pati sila mabulunan. Inisip ko nga, anong klaseng gilingan ba meron sa tiyan ni Chinita at parang kahit ang dami niya kumain eh hindi siya tumataba.

Kung sa trabaho naman ang pag-uusapan, siya na yata ang pinakamadetalyeng taong nakita ko. Kayang-kaya niyang busisiin ang bawat detalye sa trabaho. Nakakahiya nga minsan, (di ko sure kung minsan lang o madalas) kapag nagkakamali ako. Aminado naman ako na may pagkamakakalimutin ako. Pero kahit ganun, naipapamalas niya pa rin ang kahinahunan ng loob.

Kaya lang, nagtataka nga ako kung bakit wala pa siyang nagiging boyfriend. Maganda, mabait at matalino. Hm, siguro pihikan. Kunsabagay, she only deserves the best. Excited na akong makilala ang magiging ala-Dingdong Dantes sa buhay niya.

To my Chinita friend, I thank God for giving me the opportunity to meet someone like you. Thanks for teaching me many things in life. Because of your pagiging so detailed and sometimes O.C, I’ve learned how to look and appreciate every detail in life; that sometimes the little things can create a big impact in our lives. Thank you for showing me what humility is. Salamat sa pagkunsinte sa akin na sundin ko kung ano ang sinasabi ng puso ko, dahil doon ako magiging masaya. I remembered our conversation one sunny afternoon, while we’re having lunch, we talked about following our dreams. What you’ve said really captured my heart. Ang sabi mo bilib ka sa’kin dahil nagkaroon ako ng lakas ng loob na hanapin o sundin kung ano talaga ang gusto ko. Pero ang totoo, ako ang lubos na humahanga sa’yo sa kadahilanang pinag-iisipan mong mabuti ang mga ginagawa mo. Wisdom ang tawag doon. My Chinita friend, I know whatever it is that God will put on your plate; you’ll make the most of it. You’ll surely excel in whatever field you will be choosing. Kung paanong mong nilalasap ang bawat nguya tuwing kumakain tayo ng lunch, sana ay malasap mo rin ang iba’t ibang lasa ng buhay. I will never forget you. Thank you for sharing your life with me. Enjoy life. Don’t be afraid to make mistakes, rather see it as an opportunity to learn. I love you my Chinita friend. Chat, text at magkita pa rin tayo pag may time ah!
Tosha! :)


Linggo, Pebrero 9, 2014

DAY 40

Naglaro ako ng badminton kanina, kasama nang mga pinsan ko. Mabuti ito para mabawasan ang mga di kinakailangang taba ko sa katawan. Ilang araw na rin akong kumakain ng marami. Noong nakaraang araw, donut plus palabok ang merienda ko. Noong isang araw naman, kanin at yakisoba ang tanghalian ko. At nung isang araw pa ulit, pizza naman.
Sarap magpapawis kanina. Ang kaso pagdating ng hapunan, adobo ang ulam. Sino ba naman ako para tanggihan ang adobo?? Di ko na naman napigilan. Pinapak ko pa yung nutella sa ref. Di bale, magjajogging naman ako sa Martes. Saka bukas, di na ako kakain ng marami. (weh?)

Nakakatawa pala yung Call Center girl na movie. Ang gaan ng mga punch line. Di mo na kailangang mag-isip para mag-enjoy sa pinapanuod mo. Nakakaaliw ang style ng pagpapatawa ni Pokwang. Isa siyang OFW na nagtrabaho sa isang cruise para sa pamilya. Halos sampung taon siyang nasa ibang bansa, kaya naman pagbalik niya, malayo ang loob sa kanya ng anak niyang si Jessy Mendiola. Ngunit tulad ng isang tipikal na pelikula, nagkabati rin naman sila sa huli.

Sabado, Pebrero 8, 2014

DAY 39

Ganito talaga dito kapag Sabado, walang masyadong ginagawa. Inaantok tuloy ako. Naisip ko nga, sayang naman yung kuryenteng binabayaran. Kaunti na lang din kasi yung tao kapag ganitong oras. Karamihan kasi sa kanila half day na.

Ang sarap ng ulam ko kanina, beef with mushroom. Naka isa’t kalahating kanin ako. Di pa ako nakuntento at kumain pa ako ng turon at buko kaninang merienda.

Yey! 4:30 na. Konti na lang uwian na!

Ininsert ko muna usb ko dito sa computer para tingnan kung anong movie yung mga nilagay ni Max. Nagulat ako sa usb ko, ang ayos. Nakakatuwa. Sinort ni Max mga files ko. Kaya naman pala tinext ako nung isang araw na ang gulo ng usb ko. Infairness ditto kay Max, napaka organize. Thank you Max!


Mukhang magsasawa ako sa panunuod ng movie this weekend. Pinadagdagan ko pa ng movie kay Chinito USB ko.

DAY 38

Kagabi pa lang nakahanda na ang mga gagamitin ko para sa paglalaro namin ng badminton mamaya ni Max. Excited ako dahil ang tagal ko nang hindi nakakalaro nito.

Maaga akong nakarating sa office. Binuksan ko kaagad ang computer para masimulan na ang mga tasks ko para sa araw na ito. Nakaplano na sa utak ko ang gagawin pero parang wala ako sa focus magtrabaho. Minsan talaga may mga araw na tulad nito. Yung para bang wala kang gusting gawin kundi tumunganga. Pinilit ko namang labanan ang pakiramdam na ito. Kahit papaano ay naging produktibo naman ako pagdating ng hapon.

Napakinggan ko na iyong output ng voice recording namin kahapon. Medyo walang dating para sa akin yung T.V commercial. Hindi ko naman sinasabing pangit pero hinahanap ko kasi yung tipong mapapawow ang pagkatapos magplay ng video. Samantala yung sa radio naman, medyo naging maayos nung tinaasan ng kaunti yung pitch.

Bandang huli, nagpasya ang nakakataas na magtry ulit ng bago. Sayang effort, pero mas mabuti nang ulitin kaysa naman maging “pwede lang” ang output.

Siya nga pala, muntik ko nang malimutan, may kabilisan na ngayon ang computer ko. Yey! Nilagyan kasi ng extra memory ni Chinito. Galing! Pwede na ako magphotoshop nang hindi nakakunot ang noo sa sobrang bagal ng computer. Kumbaga “think before you act” ang peg niya. Tagal mag-isip.


Ako na naman ang tampulan ng asaran kanina. Bumaba sa area ko yung mga tropa ko sa graphics dept.para magtanong tungkol sa project namin. Ang lakas mang-asar. Tinutukso nila ako dun sa isang artist na si Ryan (hindi niya totoong pangalan). Cute naman si Ryan, medyo chubby nga lang. Mukha rin namang mabait. Kaya lang medyo nakakailang na kasi kapag tinutukso sa isang lalaki. Minsan kasi sa kakatukso nila, di maiwang tuluyang mahulog ang isa. Pag-akyat ni Sir S sa dept. nila, tumawag pa siya para sabihing bababa raw si Ryan at may dalang bulaklak.
Yun pala, ang tinutukoy niya eh yung design ng logo na gagamitin sa Panagbenga. Sunflower! Laughtrip sa office!

Maaga ako lumabas ng office kasi nga may laro pa kami ni Max. Dumaan muna kami sa SM para bumili ng shuttlecock at inumin. Pagkatapos, dumiretso na kami sa Badminton City. Sa kasamaang palad, wala ng available na court. Bad trip! Excited pa naman ako.

Kaya naman ang dapat na exercise ay nauwi sa “eatxercise”.


May pampatulog yata yung pizza na kinain ko kanina. 

Huwebes, Pebrero 6, 2014

DAY 37

Tapos na ako sa trabaho pero ayoko pa umuwi. Tambay muna sa office. Medyo busy ulit kanina kaya nagpapahinga muna ako dito sa office. Pero sa totoo lang, hinihintay ko lang dumaan ulit si Chinito. Isang ngiti lang niya siguradong tanggal ang pagod ko.

Nagvoice recording kami kanina para sa radio at T. V material namin. Habang tinuturuan ko yung talent, hindi ko alam na pati pala boses ko narecord na rin.

Pinagkaisahan ako sa graphics dept. Nilakasan yung recorded voice ko at ipinarinig sa lahat. Nakakaloka. Pinipilit nila boss ko na ako na lang daw mag v.o.

Nga pala, bilib ako kay Max. Nasa D. Jose na, bumalik pa, isang text ko lang. Salamat Max! The best friend ka talaga!

DAY 36

Nakakahawa ang ngiti ni Chinito. Baon-baon ko hanggang pag-uwi. J

Nasira na naman ang computer ko kaninang umaga. Bigla na lang nagblack yung screen. Ibilad ko kaya ito sa araw para magliwanag. Sa kabilang banda, hindi naman iyon naging dahilan para masira ang araw ko.

Sarap ng J-Co at palabok kanina. Galing sa mga boss. Siguro kahit 3 araw pwedeng hindi muna ako kumain matunaw lang lahat ng kinain ko ngayon.


Aga ko ulit umuwi. J Medyo nagtitipid kasi ako ngayon sa kadahilanang malayo pa ang sweldo pero ang konti na lang ng laman ng wallet ko.

DAY 35

Isinet ko ang alarm ng cell phone ko ng 4am, par asana makapagsulat ng mga naiwang araw sa blog ko. Ang kaso, sa panaginip ko lang yun nagawa. Ang sarap matulog!

Nagtataka nga rin ako kung bakit karamihan sa’tin ay adik sa tulog. Gayong kapag natapos na ang kontrata natin dito sa lupa, habang buhay ay mali pala, habang patay na tayong matutulog.

Medyo trapik kaninang umaga, pero mabuti na lang at humaba ng ilang pulgada ang paa ko kaya hindi ako nalate.

Pumunta ako kanina sa dati kong paaralan noong kolehiyo. Naghahanap kasi ako ng nilalang na may malaanghel na boses para mag-v.o sa ginagawa naming radio commercial. Ewan ko ba, ako na talaga dapat yun, kaso hindi yata nila trip boses ko. Hindi pa raw uso. Sayang, akala ko pa naman ito na yung hinihintay kong break. Di bale, marami pang pagkakataon. Mabalik tayo sa usapan, hayun na nga, nakipagkita ako sa dalawalang estudyanteng inirekomenda sa akin nung staff. Ayos naman, panalo yung boses nila. Lalo na yung lalaki, pati mukha, panalo. Nakakaganda ng araw. Speaking of araw, ang tindi ng sikat ng araw kanina. Parang kailan lang nangangatog ako sa lamig dahil mahiyain yung araw. Pero kanina, nagningning siya ng bongga.

Kanina, habang nasa school ako, hindi ko maiwasang hindi magbalik tanaw sa apat na taon kong pamamalagi doon. Maraming hindi makakalimutang pangyayari. May nakakatawa, may nakakaiyak at syempre hindi mawawala yung mga kilig moments. Parang kailan lang talaga….

Tumatanda na nga rin ata talaga ako. Sa paraan ng pakikipag-usap ko kanina dun sa bagets, parang halos payo yata yung naibigay ko sa kanya. Sa kabilang banda, mabuti na rin iyon, nang sa gayon may maibahagi naman ako sa kanyang mga kaunting kaalaman mula sa mga natutunan ko mula sa kaunting karanasan.

Aprub naman daw yung boses nung dalawang bagets sa boss ko. Kaya sa Huwebes, recording na. Yahhooo!


Ang aga ko pala nakauwi ngayon. Nagulat nga si Nanay at Daddy. Muntik na magpaparty :P Gusto ko na kasi makabawi sa blog. Medyo marami akong hindi naisulat dahil sa pag-uwi sa probinsya.

DAY 34

Back to Manila. Back to reality.

Ang agang mambwisit ng computer ko sa office. Lalo tuloy nagkakapatong-patong ang mga tasks ko. Kung mayroon lang akong ekstrang computer sa bahay matagal ko nang dinala. Nakakaawa na computer ko sa office. Gusto na magretired.

Dami nakapansin sa aura ko ngayon. Parang may kakaiba raw sa akin. Siguro dahil medyo fresh pa mula sa bakasyon. Ilang araw ring walang stress at puro tulog ang ginawa ko. Pero after lunch, balik na ulit sa dating itsura. Hagardo Versoza.

Nakatanggap na naman ako ng text message kanina mula sa dream company ko. Senyales na ba ito???

Nakakatawa talaga magbiro ang tadhana.

DAY 33

Nagising ako sa huni ng mga ibon at tilaok ng manok. Kakaibang-kakaiba sa nakagawian kong paggising tuwing Linggo ng umaga. Sa Maynila kasi, bunganga ng kapit-bahay ang alarm clock ko. Music to my ears na ang mga palitan nila ng di magagandang salita. Mabuti na lamang at kahit na sa Maynila ako lumaki, hindi ako nahawa sa kanila. Kunsabagay, kahit na hindi maganda minsan ang paligid ko, pinalibutan naman ako ng magandang ugali ng aking pamilya.

Last day ko na sa Pampanga ngayon kaya nilubos ko na. Pagkatapos magkape, naglinis muna ako ng bakuran at pagkatapos ay naghanda na para sana magjogging. Kaya lang hindi natuloy, kasi nakasalubong namin yung isa kong tita. Magpapagamot sa faith healer dahil masakit ang balakang at ulo niya. Kaya sa halip na magjogging, nanuod na lang muna kami.

Medyo kontrobersyal ang healer na ito. Bagong salta sa baryo, pero marami nang napabilib. Bukod kasi sa nakakapagpagaling siya ng sakit (kahit anong sakit ng katawan pati yung mga pinaglaruan dawn g engkanto) nakakapanghula rin daw siya. Napaisip nga ako, kaya niya rin kayang pagalingin ang sakit ko sa bulsa?


Kakaiba ang paraan niya ng paggagamot. Nagpakuha ng itlog saka ipinukpok at inilagay sa baso. Wala naman raw sakit ang tita ko. Lamig lang daw sa katawan. Nagpakuha siya ng baso, papel at kandila pagkatapos. Sinilaban ang papel, ipinasok sa loob ng baso saka ipinatong ang baso sa likod ng tita ko. Ouch! Ventosa. Pagkalipas ng ilang minuto, iniangat iyong baso. Magic, namula likod ng tita ko at umuusok. Sunod naman, nagpakuha siya ng puting pinggan. Idinikit sa pinggan ang apoy mula sa kandila. Dinasalan, saka pinunasan ng puting papel. Magik ulit. Nagkaroon ng charcoal painting ang papel. Itinapat sa liwanag saka inaninag ang mensahe ng tawas. May babae raw na nakabantay sa bahay ng tita ko. Mahaba ang buhok ang nakaekis ang paa. Nakakatakot! Bago pa lalong lumikot ang imahinasyon ko, umalis na kami para ituloy na ang sana ay jogging pero nauwi na lang sa paglalakad.

DAY 32

May pasok dapat ako ngayon pero hindi na ako nakapasok. Bumabawi ako sa lolo't lola ko dahil hindi ako nakauwi nung pasko at bagong taon.

Magjajogging dapat kami ngayon ng mga pinsan ko kaya lang tinamad akong bumangon ng maaga at piniling matulog.

Pagkagising ko, binuksan ko ang bintana sa kwarto sabay tanaw sa sumasayaw na mga dahon at kumakantang ibon. Wow! Parang sa pelikula lang.

Dating gawi, inom ng kape sa umaga. Sa totoo lang, pinagbawalan na akong uminom ng kape dahil nagpapalpitate ako. Pero dahil nakakarelax naman dito sa Pampanga, uminom na rin ako. Isa na yata sa pinakamasaklap na pwedeng mangyari sa akin ay iyong pagbawalan akong uminom ng kape.

Nakakatamad. Ayoko na magsulat.

DAY 31

Kong Hei Fat Choi!

Chinese New Year ngayon kaya naman walang pasok. Ang aga ko nagising kanina. Dito kasi ako natulog kela Apo. nagising ako sa pagkukwentuhan nila. Pero ayos lang. Bumangon na rin ako agad. Sayang din naman kasi ang magandang view sa umaga. Sobrang lamig dito. Humiga ulit ako para sa duyan sa may veranda pagkagising, sobrang nakakarelax. 

Nakatanaw lang ako sa paligid habang pangiti-ngiting nakikinig sa mga nagkukwentuhan. Maya-maya pa, umupo na ako sa mesa. Kuha ng pandesal sabay sawsaw sa mainit na kape. Nabusog ako agad. Sayang hindi na kaya ng tyan ko yung kanin, inihaw na bulig at gulay. 

Hindi naman kami nagtagal dito kela lola. Pumunta rin kami agad kela Inang at sa bagong buhay.

Sarap talaga dito sa Pampanga, kahit papaano eh nakakalimot ako sa kalungkutan ko.

Pagkatapos mananghalian tulog ulit ako. Umpisa ako ng mga alas tres gising ako ng 5:30. Whew. Save!

Ligo muna bago pasyal. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang lumabas kami ng kapatid. Diretso sa bukid at nag-agawan sa duyan. Parang may yelo ang lamig ng hangin.

Nagsimula ang araw ko sa kwentuhan at natapos rin sa kwentuhan.