Excited akong magsulat ngayon dahil sa dami ng nangyari
ngayong maghapon.
Isang napakagandang umaga ang bumungad sa akin paglabas ko
ng bahay. Sa aking paglalakbay, ramdam na ramdam ko ang lamig ng hangin dala ng
pag-ulan kahapon. Sa imahinasyon ko ay nakangiti ang mga ulap at marahang
sumasayaw ang mga puno.
Medyo napaaga ata ako ngayon. Pero ayos lang dahil mas
nakakapag-isip ako kapag tahimik. Kaya naman sinimulan ko na kaagad ang
trabaho.
Ikalawang taon na ngayon simula noong ako ay nagtapos ng
kolehiyo. Sariwa pa sa akin ang mga halakhak na hanggang ngayo’y nakaukit pa
rin sa aking puso. Gayundin ang kislap sa aking mga mata dahil sa wakas ay
nakamit ko na ang kapiraso ng papel na magsisilbing tiket ko tungo sa
katagumpayan.
Pero mas mahirap pala ang pakikibaka sa labas ng apat na
sulok ng paaralan. Hindi ito ang inaasahan ko. Hindi naging madali para sa akin
ang mga unang buwan o marahil ay pati na ang unang taon ko sa trabaho.
Naranasan kong maging butterfly na palipat-lipat ng bulaklak. Dumating sa punto
na hindi ko alam kung saan ako pupunta at kung ano ba talaga ang gusto ko.
Parang isang puzzle na hindi mabuo dahil sa nawawalang piece.
Hanggang sa mapunta ako dito. Sa wakas,
mayroon rin akong nasumpungan na masasabi kong gusto ko at nag-eenjoy akong
gawin. Kaya lang, wala nga raw perpekto sa mundo. May mga pagkakataon din kasi
na hindi ako natutuwa dito. Katulad na lamang ng nangyari kanina. Kung nakakain
lang ang tsismis at issue, busog na busog na ako.
Kahit kailan, walang mabuting naidulot ang tsismis sa loob
ng isang organisasyon. Para itong isang anay na unti-unti sumisira sa
kaloob-looban ng isang kahoy. Magugulat ka na lang, isang araw malapit na pala
itong masira.
Sa kabilang banda, hindi ko talaga nagustuhan iyong tagpong iyon kanina. Siguro
sadyang hindi niya lang ako gusto, kung kaya’t ganoon siya makitungo sa akin.
Pero sa parehong paraan na gusto niyang pinapakinggan siya at ayaw niyang
pinuputol siya habang nagsasalita, ganoon rin naman ako. Kung sana binigyan
niya ako ng pagkakataon para maipaliwanag ang lahat…kung sana hindi niya
sinisingitan ang bawat sasabihin ko, mas naging maayos sana. Pero hindi ito
yung nangyari, dahil magaling siya at nagsisimula pa lang akong matuto. Ok
lang. Naiintindihan kong parte ito ng tinatawag nilang “realidad.” Siguro hindi
pa ganoon katibay ang sikmura ko sa mga ganoong uri ng tagpo. Sabi nila dapat
daw akong masanay. Masanay saan? Masanay na sindakin at sigawan? Masanay na
hindi mapakinggan? Masanay na may mga tao talagang hindi iniisip ang maaaring
maramdaman ng iba? Siguro nga, dapat akong masanay.
Pero hindi ito ang magpapasuko sa akin. Naniniwala ako na may dahilan ang lahat ng nangyayari. Ang mga pagsubok na ito ang siyang kukumpleto sa higit na magandang yugto sa hinaharap. Hindi tutulis at gaganda ang sulat ng lapis kung hindi ito tatasahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento